FU DALU
kung sakaling dalawin ni Fu Dalu,
ang tagahabi ng mga pangarap,
ay makapagtitirintas ng kwento
at tulang nasalubong sa hinagap
dinadalaw niya sa panaginip
ang mga kababaihang Tboli
upang ipakita ang halukipkip
niyang disenyo para sa tinalak
o yaong mga hibla ng abaka
na tinitina at kinukulayan
sa pamamaraang ikat bago pa
iyon habihin upang maging tela
si Fu Dalu, diyosa at dreamweaver,
ay magpakita sana sa makatâ
o baka nakita na bilang bearer
na naghayag ng samutsaring paksâ
sakaling sa abaka ko isulat
ang aking tulâ sa anyong baybayin
kanyang disenyo'y itutulang sukat
si Fu Dalu kayâ ako'y dalawin?
- gregoriovbituinjr.
01.29.2026
* unang dalawang litrato mula sa google
* hinalaw ang Tboli, tinalak, at ikat sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 337, 915, at 928





Walang komento:
Mag-post ng isang Komento