Sabado, Enero 30, 2021
Bahay na imburnal?
Biyernes, Enero 29, 2021
Ang panawagan ng ZOTO
Huwebes, Enero 28, 2021
Soneto sa kalendaryo
Miyerkules, Enero 27, 2021
Sa pasilyo
Martes, Enero 26, 2021
Mag-yosibrick at upos ay hanapan ng solusyon
Lunes, Enero 25, 2021
Ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik
Ang paggawa ng yosibrik
Nasaan si misis?
Libay
Linggo, Enero 24, 2021
Abo sa lupa laban sa salot
Paghuhugas ng pinggan sa umaga
Sabado, Enero 23, 2021
Batas ng Kapital
Isuot nang tama ang face mask
Miyerkules, Enero 20, 2021
Ako'y makikiisa kung may Diliman Commune Part Two
Miyerkules, Enero 13, 2021
Huwag mahirati sa facebook
Martes, Enero 12, 2021
Ang salin ng TENANT sa wikang Filipino
ANG SALIN NG TENANT SA WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa
sa mga nakaengkwentro kong salitang talagang dapat pag-isipan kung
paano isasalin mula sa Ingles patungong wikang Filipino ay ang TENANT.
Ano kaya ang tamang salin ng tenant batay sa gamit nito?
Nagsaliksik
ako. Sa dalawang diskyunaryong ginagamit ko ay nakita ko ang kahulugan
sa wikang Filipino ang tennt. Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo
James English, 33rd printing - 2009, pahina 1062, ang tenant ay:
(1) noun,a person paying rent for the use of land or building. Nangungupahan. Ingkilino (Spanish).
(2) a tenant in land holding: Kasamá.
(3) one that occupies or dwells: Ang nakatira (tumitira).
(4) verb, to hold or occupy as a tenant: Umupa, mangupahan, upahan.
Sa
UP Diksiyonaryong Filipino naman, Ikalawang Edisyon 2010, Virgilio S.
Almario - Editor, pahina 1241, ang tenant ay: png [Ingles] 1: tao na
nagbabayad upang umokupa o gumamit sa lupa, gusali, at iba pa. 2: Agr
kasamá. (Ang daglat na Agr ay Agrikultura.)
Sa dalawang
diksyunaryo, nangingibabaw ang dalawang salin: nangungupahan at kasamá.
Subalit pag iningles natin ang nangungupahan at kasamá, karaniwang hindi
agad tenant ang naiisip ng tulad kong laki sa lungsod kundi renter para
sa nangungupahan at comrade para sa kasamá, na may tuldik na pahilis sa
ikatlong pantig, at companion para sa kasáma kung ang tuldik na pahilis
ay nasa ikalawang pantig.
Kaya ano dapat ang salin? Kung
gagamitin ko ang nangungupahan batay sa salin ng diksyunaryo, baka mali.
Dahil sa palagay ko'y malaki ang kaibahan ng ng renter sa tenant. Ang
renter, tulad ng mga nangungupahan ng isang kwarto o isang bahay sa
lungsod, ay iba sa tenant. Ang tenant naman ay nangungupahan subalit
siya na rin ang nangangasiwa o itinalagang tagapangalaga ng ari-arian ng
may-ari. Kaya hindi renter at hindi nangungupahan ang ginagawa kong
salin. Sa usapin ng mga maralitang lungsod ay kilala ang katawagang
renter dahil din ito ang mga lumilitaw sa mga negosasyon hinggil sa
usaping pabahay.
May iba pang salita ang kasamá sa wikang
FIlipino, na maaaring pag-isipan din. Sa UP Diksiyonaryong Filipino ay
ito ang iba pang kahulugan ng kasama, na ang iba'y nasa wikang
lalawiganin: abe, agom, asosyado, gayyem, iba, kada, kauban, kavulun, at
kompanyero. Subalit hindi ko iyon magagamit sa ngayon kung mas nais
kong maunawaan ng mambabasa ang aking isinalin.
Kaya ano ang
dapat na pagsasalin, lalo na ngayong may mga isinasalin akong akda ng
ibang manunulat, at ito ngang tenant ang isa sa pinagkunutan ko ng noo.
Na marahil ay madali lang sa mga laking probinsya, na may malawak na
karanasan sa mga sakahan. Kailangan ko pang umuwi ng lalawigan upang
matukoy talaga ang tamang salita sa aking isinasalin.
May nagsabi
sa akin, ginagamit na ang tenant sa mga usapan sa wikang Filipino,
bakit hindi mo iyon gamitin? Tama naman siya. Baka iyon na nga ang aking
gamitin kaysa magsalin pa ng iba. Minsan, naiisip kong isalin ang
tenant na tenante, na parang tenyente. Subalit wala naman nito sa
diksyunaryo.
Sumang-ayon ako sa sinabi ng aking nakatatandang
kapatid na babae na matagal nang nakatira sa lalawigan, na ayon sa kanya
ang tenant ay tinatawag na kasama na mabilis ang pagbigkas. Dahil
lalawigan ang setting ng akdang aking isinasalin, ginamit ko ang kasamá, na may
tuldik na pahilis sa ikatlong titik a at binibigkas ng mabilis, bilang
salin ng tenant, at ang kasama na mabagal ang bigkas bilang salin ng
comrade o companion.
Sa ganito ko nalutas ang problemang ito.
Gayunman, dapat pa ring mas maunawaan ng mambabasa ang gamit ng ating
mga tuldik sa balarilang Pilipino, na marahil ay napag-aralan nila nuong
elementarya, upang mapag-iba nila ang kasama sa kasamá.
Puspusang pakikibaka
Biyernes, Enero 8, 2021
Ang proyektong yosibrick
Ang proyektong yosibrick
iniipon ko ang mga upos ng sigarilyo
pagkat isa sa naglipanang basura sa mundo
gagawing parang ekobrick, yosibrick ang tawag ko
tinitipon bakasakaling may magawa rito
di lang ito pagsiksik ng upos sa boteng plastik
kundi mabatid sa basurang ito'y may umimik
may magagawa ba sa upos na nagsusumiksik
sa kanal, lansangan, sa laot nga'y basurang hitik
di ako nagyoyosi, ito'y akin lang tinipon
upang gawing yosibrick habang hanap ay solusyon
sa hibla nito'y baka may magawa pang imbensyon
baka mayari'y bag, sapatos, pitaka, sinturon
ang upos ng yosi'y binubuo ng mga hibla
nagagawang lubid ang mga hibla ng abaka
at nagagawang barong ang mga hibla ng pinya
sa hibla naman ng upos baka may magawa pa
panimula pa lang itong yosibrick na nabanggit
baka may maimbentong hibla nito'y magagamit
na sana'y may magawa pa ritong sulit na sulit
para sa kalikasan, ito ang munti kong hirit
- gregoriovbituinjr.
Huwebes, Enero 7, 2021
Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo
Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo
isang alalahanin yaong sadyang sumambulat
pagkat tayo ang tinamaan sa isiniwalat
ng ulat na kapaligiran nati'y nawawarat
dahil sa ating kagagawang di pala marapat
mga gamit na mantika'y huwag basta itapon
sa lababo, saan ba natin ibubuhos iyon?
itong sabi sa ulat, ano bang kanilang layon?
magsuring mabuti't anong ating maitutulong?
mantika'y maaaring dumaloy sa sapa't ilog
o sa karagatan o sa katubigang kanugnog
papatay sa mga isda, tanim ay malalamog
apektado pa'y ibang nilalang na madudurog
sasakalin ng gamit na mantika ang nilalang
pupuluputan ng sebo ang kanilang katawan
nakababahalang ulat na dapat lang malaman
nang ito'y malapatan ng angkop na kalutasan
- gregoriovbituinjr.
* ang ulat at litrato'y mula sa fb page ng kumpanyang RMC Oil Ecosolutions
TanagĂ laban sa pagsasamantala
Miyerkules, Enero 6, 2021
Mga tiket ng bus
Mga tiket ng bus
basura na ba sila matapos bumaba ng bus
na mahalagang papel sa paglalakbay mong lubos
na naipon ko pala sa bag patunay ng gastos
sa kabila ng tag-araw at pagdatal na unos
maliit mang papel yaong minsan nasusulatan
ng mga salitang dumaplis na napagnilayan
ng taludtod na di dapat mawaglit sa isipan
ng saknong na hangad ay pagbabago ng lipunan
mga tiket ng bus na saksi sa maraming kwento
at karanasan habang ako'y paroo't parito
mga kwentong kung tipunin ay maisasalibro
upang maipabasa sa mga anak at apo
mga tiket bang ito'y dapat ko nang ibasura
pagkat basura na lang sa bag ko't wala nang kwenta
serbisyo sa paglalakbay nga'y iyon ang halaga
subalit dahil nagamit na'y dapat itapon na
- gregoriovbituinjr.
Sa kaarawan ng aking kabiyak
Sa kaarawan ng aking kabiyak
Liberty ang pangalan na kaytagal kong hinanap
Hanggang makadaupang palad ang paglayang hagilap
Liberty, Freedom, Paglaya, Kasarinlang pangarap
Nasa'y pagbabago ng lipunang walang nagpapanggap
Sa kaarawan mo, O, Liberty kong sinisinta
Nananahan ka na sa aking puso't laging kasama
Bawat igkas niring panitik ay ikaw ang musa
Ikaw ang diwata sa balintataw ko't humalina
Sa panahon man ng pandemya't maraming kawalan
Nawa'y lagi kang malusog at malakas ang katawan
Bating mula sa puso'y "Maligayang kaarawan!"
At gaya ng sabi nila, "Have many more birthdays to come!"
- gregoriovbituinjr
01.06.2020
Biyernes, Enero 1, 2021
Di dapat antas-dalo lang
DI DAPAT ANTAS-DALO LANG
dapat kumilos tungong pagbabagong panlipunan
ang ating napapasama sa rali sa lansangan
di dapat antas-dalo ang kanilang kahinatnan
ito'y napagtanto ko sa maraming karanasan
dapat mapakilos silang nagkakaisang diwa
nagkakaisang puso, tindig, dangal, at adhika
pinag-alab ang apoy sa damdaming di humupa
upang palitan na ang sistemang kasumpa-sumpa
di dapat hanggang antas-dalo lang ang mapakilos
kundi unti-unting mamulat bakit may hikahos
sasama sa rali, kakabig dahil kinakapos
pag ganyan ang nangyari'y wala tayong matatapos
kung antas-dalo lang, di nauunawa ang layon
dahil walang magawa't nakatunganga maghapon
dama mo ba'y bigo sa pag-oorganisang iyon?
humayo't maging masigasig sa inyong natipon
- gregoriovbituinjr.
01.01.2021
Pinyuyir Tuol
PINYUYIR TUOL
(an acrostic poem)
Pagbati po sa inyo ng Manigong Bagong Taon
Ito'y mula sa puso't diwang hindi makakahon
Nais kong pasalamatan ang bawat isa ngayon
Yamang naging bahagi kayo ng buhay ko't layon
Uugitin natin ang magandang kinabukasan
Yaring buhay na'y aking inalay para sa bayan
Itatayo ang pinapangarap nating lipunan
Rinig mo iyon sa pintig ng puso ko't isipan
Tutulan bawat pang-aapi't pagsasamantala
Upang makataong lipunan ay maitatag pa
O, Manigong Bagong Taon muli't bagong pag-asa
Lalo't naririto pang malakas at humihinga
- gregoriovbituinjr.
01.01.2021